Private hospitals, kapos ng 50 percent nurses

A health worker administers the COVID-19 vaccine to an individual at Health Center in San Jose del Monte Bulacan on May 5, 2021.

MANILA, Philippines — Kapos ng 50% ng mga nurses ang mga pribadong ospital sa bansa dahil sa pagpili ng mga Filipino nurses na magtrabaho abroad.

Inamin ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang kanilang sitwasyon na naglilimita ngayon sa operasyon ng mga pagamutan sa kabila na may mga pasilidad naman sila.

“Sa kasalukuyan, maraming umaalis. ‘Yun ang magiging limitasyon ng serbisyong puwede naming ibigay sa ating mga kababayan,” sabi ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano.

Epekto nito, may mga wards sa mga pribadong ospital ang isinasara na lamang dahil sa walang nurse na magdu-duty sa mga ito.

“Usually ang isang nurse, ang kaya niya ngayon sa pribadong ospital ay 8 hanggang 12 pasyente. Maximum na ang 12 do’n sa tinatawag natin na toxic o sa mga wards. Kapag sa ICU or special areas, ang ratio niyan is 1:1 or 1:2,” paliwanag ni De Grano.

Una nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang mababang suweldo lalo na sa mga pribadong ospital ang dahilan ng pag-alisan ng mga lisensyadong nurse. Mas pinipili nila na kunin ang oportunidad na kumita ng higit isang milyong piso kada taon kaysa magtiis sa mababang suweldo.

Plano rin ni Herbosa na magtatag ng National Nursing Advisory Council na siyang tututok sa mga problema, isyu at magpapayo ng mga solusyon sa gobyerno. Maglalabas siya ng department order para sa pagbuo nito na pamumunuan ng isang de facto chief nursing officer na may ranggong undersecretary.

Tanggap naman ni De Grano ang panukalang ito dahil sa magkakaroon na ng direktang coordinator ang mga nurses sa DOH para masolusyunan ang kanilang mga suliranin.

Show comments