MANILA, Philippines — Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Certificate of Product Registration (CPR) ng Pfizer bivalent COVID-19 vaccine para sa tuluy-tuloy na paggamit nito sa bansa.
Ayon sa FDA, inaprubahan na nila ang CPR ng Tozinameran + Famtozinameran (15 mcg/15 mcg)/ 0.3 mL Dispersion for Injection na may brand name na Comirnaty Original/ Omicron B.A. 4-5.
“This significant milestone marks a crucial step in our nation’s current challenge against the global health crisis,” ayon pa sa FDA.
Balido ang CPR ng limang taon makaraang isailalim ang bakuna sa ekstensibong ebalwasyon, clinical trials, at pagtataya gamit ang lahat ng “scientific data” at impormasyon na ibinigay ng vaccine manufacturer.
Hinikayat din naman ng FDA ang publiko na manatiling kumpiyansa sa regulatory processes at kumuha lamang ng impormasyon hinggil sa COVID-19 vaccines mula sa mga mapagkakatiwalaang sources upang matiyak na tumpak ang mga ito.
Kamakailan lamang ay opisyal nang sinimulan ng pamahalaan ang pamamahagi ng bivalent vaccines para sa mga healthcare workers upang magkaroon sila ng karagdagang proteksiyon laban sa virus.