Public health emergency sa COVID-19, alisin na! - DOH
MANILA, Philippines — Irerekomenda na ni Health Secretary Ted Herbosa sa Malacañang na tanggalin na ang COVID-19 public health emergency dahil hindi na umano ito matinding banta sa kalusugan sa ngayon.
Sinabi ni Herbosa na kaya nang gamutin ang COVID-19 gaya ng ibang ordinaryong sakit tulad ng ubo, lagnat at sipon sa ngayon kaya wala nang maituturing na emergency.
“Actually, wala nang emergency eh, ‘di ba? I think I would actually ask the lifting of the public health emergency in the country,” saad ni Herbosa.
Idineklara ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency sa pag-uumpisa ng pandemya noong Marso 2020 upang pakilusin ang nasyunal at lokal na pamahalaan at gumawa ng mga programa at inisyatibo para maprotektahan ang publiko laban sa nakahahawang sakit.
Sa ilalim ng Proclamation 922, mananatili ito hanggang hindi inaalis ng Pangulo ng bansa.
Magkaiba naman ang COVID-19 state of public health emergency at state of calamity na napaso na sa pagtatapos ng Disyembre 2022.
Ang state of calamity ang nakatuon sa regulasyon ng COVID-19 vaccines, clearance ng mga gamot kontra virus at pagpapanatili na mababa ang presyo ng mga ito.
Nakapaloob din dito emergency procurement ng pamahalaan, tax exemptions sa mga donors, pagkontrol sa presyo ng mga gamot at testing kits at benepisyo sa mga healthworkers.
Sa kabila ng panukala niya na wakasan na ang state of emergency, nilinaw ni Herbosa na mananatili pa rin ang alert level system sa bansa.
- Latest