Mayon, nagtala ng sunud-sunod na pagyanig
MANILA, Philippines — Nagtala ng sunud-sunod na mataas na bilang ng pagyanig ang Bulkang Mayon sa Bicol.
Ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon ng 102 volcanic earthquakes ang Mayon sa nakalipas na 24 oras na sobrang layo sa 24 volcanic earthquakes na naitala nitong nagdaang linggo.
Bukod dito, nagtala rin ang bulkan ng 263 Rockfall events at 8 pyroclastic density events o pagdaloy ng iba’t ibang tipak ng volcanic materials na may nakahalong mainit na gas.
Nagpapatuloy rin ang lava flow sa bunganga ng bulkan na umabot sa 1.3 kilometro ang haba sa Mi-isi Gully at 1.2 km sa Bonga Gully habang 3.3 km ang pagguho ng lava. Nananatili namang mababa ang pagluwa ng bulkan ng asupre.
Sa ngayon ay nasa Alert Level 3 pa rin ang Mayon.
Bunsod nito, patuloy na pinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 6 km permanent danger zone at 7 km extended danger zone dahil sa mga pagbabagong ikinikilos ng bulkan.
Bawal din ang pagpapalipad ng aircraft sa ibabaw ng Mayon.
- Latest