Pangulong Marcos: Pakikipag-usap sa China tungkol sa mga mangingisdang Pinoy, umuusad

Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Photo by Jesse Bustos/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Kahit mabagal, umuusad ang ginagawang pakikipag-usap ng Pilipinas sa China tungkol sa mga hinaharang na mga mangingisdang Pinoy, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Marcos na sa pinakahuling ulat ay sinusundan na lamang ng mga sasakyang pandagat ng China ang mga nangingisdang Pinoy sa kanilang mga tradisyunal na fishing ground sa South China Sea at hindi na hinaharang.

“Yung  latest na report ay sinundan na lang, hindi na kagaya ng dati na hinaharang. So there’s a little  progress there, “ ani Marcos.

Inihayag din ni Marcos na hindi naman maaaring madaliin ang isyu pero mayroong “progress” kaya mahalaga ang komunikasyon sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng China.

Dahil sa nangyayari ay may projection aniya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na lalaki ang huli ng mga mangingisda.

Sinabi rin ng Pangulo na partikular na idinulog niya kay President Xi ang isyu ng mga mangingisda.

“Ang inuna ko talaga noong kami ay nagkita, ay sinabi ko unahin na lang natin ‘yong fisheries, huwag na nating pag-usapan ‘yong terirtoryo dahil hindi naman tayo makakapag-decide dito na nag-uusap tayo, unahin niyo ‘yong fisheries. Dahil sinasabi ko e wala namang kasalanan ‘yong tao, bakit natin paparusahan. We are making some progress in that regard,” dagdag ni Marcos.

Kahit aniya ang pagpapatupad ng fishing ban ay may koordinasyon na rin sa China upang matulungan ang mga mangingisda kapag nagpapatupad ng ban.

Show comments