6 loan firms na namamahiya ng borrowers, kinasuhan
MANILA, Philippines — Sinampahan kahapon ng kasong criminal ng Security and Exchange Commission (SEC) sa Department of Justice (DOJ) ang anim na kumpanya dahil sa abusadong pamamaraan nila ng paniningil at pangongolekta ng utang mula sa kanilang mga loan borrowers.
Sinabi ni Atty. Oliver Leonardo, abogado ng SEC, na 28 tao kabilang ang limang Chinese nationals ang kanilang kinasuhan. Sila umano ang mga may-ari o nagpatakbo ng mga kumpanyang ito na isinuplong sa kanila ng mga biktima.
Kabilang sa mga kumpanya ang tatlong lending companies, isang financing company at dalawang business process outsourcing (BPO) companies.
Sinampahan sila ng kasong paglabag sa Lending Company Regulation Act and the Financial Products and Services Consumer Protection Act.
Ayon kay Leonardo, ang mga kumpanyang ito ang tumatawag sa mga loan borrowers at sinisingil sa kanilang utang. Humahantong sa harassment at pagbabanta ang paniningil at umaabot pa sa pagpapahiya sa mga borrowers sa social media.
Maaaring makulong ng hanggang limang taon ang mga akusado at pagmumultahin ng hanggang P2 milyon.
- Latest