MANILA, Philippines — Patuloy pa rin sa pag-aalburoto ang Bulkang Mayon habang nagpapatuloy ito sa Alert Level 3 — bagay na nag-iwan na ng daan-daang sugatan at kilo-kilometrong tunaw na bato mula sa bulkan.
Ayon sa Phivolcs ngayong Martes, merong mabagal na pagdaloy ng lava mula sa Mayon na may habang 2.5 kilometro sa Mi-Isi Gully at 1.8 k.m. sa Bonga Gully sa nakalipas na 24 oras. Samantala, umabot na ng hanggang 3.3 km ang pagguho ng lava sa ngayon.
Kasama sa mga naitala ng state volcanologists ang mga sumusunod simula kahapon:
- volcanic earthquake: 1
- rockfall events: 301
- pyroclastic density current events: 2
- sulfur dioxide flux: 389 tonelada/araw (ika-19 ng Hunyo)
- plume: 800 metrong taas; katamtamang pagsingaw; napadpad sa timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran
- ground deformation: namamaga ang bulkan
Libu-libo na ang naapektuhan ng mataas na aktibidad ng Mayon sa probinsya ng Albay, bagay na itinuturing na isa sa mga "Seven Wonders of the World" dahil sa halos perpektong hugis apa nito.
Inirerekomenda pa rin ng Phivolcs ang pagbabawal na pumasok sa anim na kilometrong radius permanent danger zone sa ngayon, maliban pa sa paglipad ng anumang eroplano sa ibabaw ng bulkan.
Pinag-iingat pa rin ang publiko sa sumusunod:
- pagguho ng bato
- pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato
- pag-agos ng lava
- uson
- katamtamang pagputok
- pag-aggos ng lahat kung may matinding pag-ulan
628 katao 'injured'
Kasalukuyang nasa 39,045 katao na ang apektado ng aktibidad ng bulkan, kabilang na riyan ang sumusunod na naiulat:
- sugatan: 628
- lumikas: 20,209
- nasa loob ng evacuation centers: 18,904
- nasa labas ng evacuation centers: 1,305
Bineberipika pa rin naman sa ngayon ang status ng mga sugatan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa kabutihang palad, wala pa namang naitatalang naitatalang nawawala o namatay. Pumalo naman na sa 908 hayop ang sumailalim sa pre-emptive evacuation habang nasa loob ng state of calamity ang nasa 18 lungsod at bayan ng Albay.
Nakapag-abot naman na ng nasa P70.86 milyong halaga ng ayuda ang naipapamigay sa ngayon sa Bicol Region sa porma ng tubig, family food packs, pinsansyal na tulong atbp., dagdag pa ng NDRRMC.