MANILA, Philippines — Round the clock na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga aktibong bulkan sa bansa partikular na ang Taal sa Batangas, Mayon sa Bicol at Kanlaon sa Negros na patuloy na nagpapakita ng aktibidad.
Sa data ng Phivolcs, nadagdagan ang volcanic earthquakes na naitala sa Kanlaon sa nakalipas na 24 oras.
Umakyat din sa 5 ang volcanic earthquakes ng Kanlaon mula sa 2 volcanic quake noong nakaraang araw.
Nananatili rin ang pagluwa ng Kanlaon ng 1,198 tonelada ng asupre at may katamtamang pagsingaw na umabot sa 300 metro ang taas.
Samantala, nakapagtala naman ang Taal ng malakas na pagsingaw na umabot sa 1,800 metro ang taas at 14 volcanic tremors na tumagal ng 2-25 minuto.
Kapwa nasa alert level 1 ang Kanlaon at Taal.
Samantala, patuloy naman ang pagdaloy ng lava mula sa Mayon na umabot sa 1.5 kilometro at nagkaroon din ng pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro.
Wala namang naitalang volcanic quake bagamat mayroong 265 rockfall events ang na-monitor at 5 pyroclastic density current events o pagdausdos ng magkahalong abo, mainit na bato, at volcanic gas sa Mayon. Nananatili sa alert level 3 ang Mayon.