Trabaho ‘di cash ayuda kailangan ng Pinoy – Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Ginagawa umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paraan para makapagbigay ng livelihood packages sa halip na magbigay lang ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilya.
Ayon kay Marcos ito ay dahil mas gusto ng mga mahihirap na Filipino na magtrabaho sa halip na umasa sa bigay ng gobyerno.
Sa vlog ng Pangulo, sinabi nito na ang cash grants na ipinamahagi sa mga nagdarahop na mga lugar ay mayroong kasamang livelihood packages.
Ayon pa kay Marcos, nasa ugali na ng mga Filipino ang masipag at ayaw umasa na lang at mag-antay ng ayuda, kaya maganda umano sa mga Pinoy ay mayroong aasahang kikitain para mayroon silang pag-asa na gumanda pa ang kanilang mga hanapbuhay.
“Mas gusto nila na magtrabaho kaysa umasa na lang sa ayuda,” giit pa ng punong ehekutibo.
Namahagi na rin umano ang gobyerno ng farm machineries mula sa Department of Agriculture (DA), scholarships mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at livelihood packages mula sa Department of Trade and Industry.
Lahat umano ito ay sa isang lugar lang nila inilagay nang sa gayon ay mas madali para sa ating mga kababayan na hindi lang aasa sa ayuda na salapi kundi ayuda ng pagkakataon para makapag hanapbuhay sila.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang administrasyon sa gobyerno sa ibang mga bansa para masiguro na protektado ang mga filipino workers at panatili ang kalakalan ng investment o pagpasok ng negosyo para magkaroon ng trabaho sa mga Filipino.
- Latest