MANILA, Philippines — Umabot sa 1.5 kilometro mula sa summit crater ang agos ng lava ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mabagal ang pagdaloy ng lava at pagguho ng hanggang 3.3 kilometro patungo sa Mi-isi at Bonga Gulies.
Ayon pa sa Phivolcs, nakapagtala ang bulkan ng dalawang volcanic earthquake, 280 rockfall events at siyam na pyroclastic density current sa nakalipas na 24 oras.
Nasa 978 tonelada ng sulfur dioxide o asupre ang ibinuga nito.
Umabot naman sa 100 metro ang taas ng plume na may katamtamang pagsingaw at napadpad sa gawing kanluran.
Sabi ng Phivolcs, namamaga ang bulkan na nananatili pa rin sa Alert Level 3.
Patuloy na pinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone at pagpapalipad ng aicraft sa ibabaw ng bulkan dahil sa lava flow, pagtalsik ng mga tipak ng bato at lahar flow.