Mga double registrants, kinakasuhan na ng Comelec
MANILA, Philippines — Inumpisahan na ng Commission on Elections (Comelec) na sampahan ng kaso ang mga indibidwal na may doble o higit pang rehistro sa kanilang database upang masawata nang tuluyan ang patuloy na ‘flying voters’ tuwing halalan.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na 7,000 na sa malaking 400,000 na indibidwal ang nasampahan nila ng kaso upang magsilbing babala sa mga nais na paikutin ang sistema ng eleksyon.
“Pinasimulan na po namin ang pagpa-file ng 7,000 complaints laban sa kanilang lahat. Akala po nila makakaligtas sila. Good faith is not a defense,” ayon kay Garcia.
Sinabi ni Garcia na patuloy na sisisihin ng publiko ang Comelec kung hindi nila makakasuhan ang mga double registrants kaya kailangan nila itong gawin.
“Hopefully po dahan-dahanin namin kasi sa Law Department namin pina-file yon…So lahat po sila ay pa-file-an namin ng kaso. Kanya-kanyang defense na lang po sila. Bahala na sila,” dagdag ni Garcia.
Nasa milyon umano ang inisyal nilang nakitang double registrants mula pa noong 2010 ngunit gamit ang teknolohiya sa ‘automated fingerprint identification system’, kanilang madodoble ang pagkumpirma sa mga ito ngayon.
Bago ang BSKE sa Oktubre, magpupulong ang Election Registration Board kung kailan tatanggalin nila ang mga double registrants na ito sa kanilang Sistema.
- Latest