Babaeng taga-Laguna sugatan sa magnitude 6.3 quake; mga eskwela napinsala

Larawan ng isang ambulansa habang matapos maramdaman ang isang lindol sa Sta. Cruz, Laguna, ika-15 ng Hunyo, 2023.
Released/Laguna Provincial Information Office

MANILA, Philippines — Isang babae mula sa probinsya ng Laguna ang naiulat na sugatan matapos yanigin ng malakas-lakas na lindol ang ilang bahagi ng Luzon nitong Huwebes ng umaga — bagay na puminsala rin sa sari-saring istruktura.

Kahapon lang nang tumama ang isang magnitude 6.3 na lindol sa epicenter nitong apat na kilometro timogkanluran ng Calatagan, Batangas. Dahil dito, nakaranas ng Intensity V (strong) na lindol ang ilang bahagi ng Batangas at Occidental Mindoro.

"One (1) woman was reportedly injured after she slipped and fell while evacuating at Laguna Senior High School, Brgy. Pob I, Sta. Cruz, Laguna," wika ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Biyernes.

Wika ng NDRRMC, nakuha nila ang impormasyon mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Laguna. Gayunpaman, kinakailangan pa raw nito ng validation mula sa Department of Health IV-A.

Siyam na imprastruktura rin ang sinasabing napinsala ng lindol sa CALABARZON, kabilang na ang:

Mabacong, Batangas City, Batangas

  • health facility: 1
  • eskwelahan: 7

Brgy. Sinturisan, San Antonio, Quezon

  • poste ng kuryente: 1

Pare-parehong naiulat na nagkaroon ng bitak sa mga pader ng health center at mga paaralan sa Batangas, bagay na "for validation" pa rin naman daw sa DOH IV--A at Department of Education IV-A.

Ilang klase rin ang sinuspindi dulot ng lindol kahapon gaya na lang sa Batangas, Laguna, Cavite at Rizal.

Matatandaang naramdaman din sa maraming lugar sa Metro Manila ang naturang pag-uga ng lupa.

Kahapon lang nang suspindihin din ang operasyon ng sari-saring linya ng tren gaya ng LRT-1, LRT-2, MRT-3 at Philippine National Railways para maglunsad ng safety inspections matapos ang lindol. — James Relativo

Show comments