Lumikas sa pag-aalburot ng Bulkang Mayon halos 20,300 na — NDRRMC
MANILA, Philippines — Patuloy na tumataas ang bilang ng mga naaapektuhan ng aktibidad ng Bulkang Mayon sa ngayon, kabilang na riyan ang nasa halos 20,300 kataong napalikas sa Rehiyon ng Bikol.
Biyernes nang sabihin ng Phivolcs na aabot na sa 38,391 kataong naapektuhan ng pag-aalburoto ng Mayon. Kasama na riyan ang sumusunod, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council:
- lumikas: 20,267
- nasa loob ng evacuation centers: 18,584
- nasa labas ng evacuation centers: 1,683
Kasalukuyan pa ring nasa Alert Level 3 ang Mayon, na siyang nagpapakita ng banaag (crater glow) at mabagal na pag-agos ng lava mula sa bunganga ng bulkan sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Phivolcs.
Kasalukuyang nasa ilalim pa rin ng state of calamity ang 15 lungsod at tatlong bayan sa probinsya ng Albay, dahilan para payagan silang kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nasa 330 hayop na rin sa ngayon ang sumailalim sa pre-emptive evacuation kaugnay ng mga kaganapan.
Pumalo naman na sa ngayon sa P57.63 milyon ang ayudang naibibigay sa ngayon sa Kabikulan sa porma ng family food packs, family kits, pinansyal na tulong, atbp.
Volanic earthquakes, rockfall events atbp.
Hindi pa rin matigil mataas na aktibidad sa ngayon ng Mayon, ito matapos nitong magpamalas ng sumusunod simula kahapon:
- volcanic earthquakes: 4
- rockfall events: 307
- pyroclastic density current events: 13
- sulfur dioxide flux: 826 tonelada/araw (ika-15 ng Hunyo 2023)
- plume: Katamtamang pagsingaw; 750 metrong taas, napadpad sa pangkalahatang kanluran at hilaga hilagang-silangan
Ipinagbabawal pa rin sa ngayon ng Phivolcs ang:
- pagpasok sa anim na kilometrong radius permanent danger zone
- paglipad ng mga eroplano sa tuktok ng bulkan
Maaari pa ring mangyari ang mga pagguho ng bato, iniitsang tipak ng lava o bato, pag-agos at pag-itsa ng lava, uson, katamtamang pagputok at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
- Latest