DOH hinikayat payagan 'temporary practice' ng dayuhang doktor sa Pilipinas
MANILA, Philippines — Inudyok ni Sen. Francis Tolentino ang Department of Health na aralin ang posibilidad na payagang mag-practice ng medisina ang mga banyagang doktor sa bansa para sa limitadong panahon, bagay na hindi basta-basta pinapayagan ng batas.
Mayo lang nang sabihin ng DOH na kakailanganin pa ng 114,000 doktor at 127,000 nurses ang Pilipinas para mabigyan ng "optimal healthcare" ang mga Pinoy.
Pino-project na nasa 12 taon pa ang kakailanganin para mapunan ang kakulangan sa nurses habang 23 taon naman ito pagdating sa mga doktor.
"Mayroon naman pong mga doktor na rehistrado sa ibang bansa na gusto mag practice for a brief period dito sa ating bansa na espesiyalista talaga doon. Sandali [lang] sila rito, hindi naman para makipag-compete. Magkakaroon ito ng transfer of technology," ani Tolentino sa kanyang radio show sa DZRH, Lunes.
"Bukod nga doon sa maraming mga espesyalista, lalo yung mga kababayan nating nasa abroad nag pa-practice, sa Amerika, na gustong tumulong dito--hindi lang medical mission, yung pang matagalan na yung siguro talagang may affinity sila dito sa ating bansa."
Isyu sa batas
Wika ng senador, ilang Pranses at Espanyol na manggagamot mula sa Doctors Without Borders ang una nang lumapit sa kanya nang tumama ang supertyphoon Yolanda noong Nobyembre 2013 para tumulong sa mga nasalanta sa Tacloban City.
Gayunpaman, pinayagan lang silang maglapat ng first aid procedure sa dahilang wala silang license to practice sa Pilipinas.
Nililimitahan ng Medical Act of 1959 ang practice ng foreign doctors sa Pilipinas kung wala silang registration certificate.
Sinu-supervise din ng Professional Regulation Commission ang mga banyagang pinapayagang mag-practice ng kanilang propesyon. Kinakailangang may hawak silang certificate of registration at professional identification card o special temporary permit sa bansa.
DOH sa panawagan
Sinang-ayunan naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa, na guest sa radio show ni Tolentino, ang mga obserbasyon ng senador.
Wika ng kalihim, naranasan niyang magtrabaho noon sa Malaysia bilang "visiting professor" sa isang medical university. Sapat na raw doon ang kanyang Philippine medical license at kanyang accredition sa Philippine Medical Association para makapag-practice ng medisina roon.
"Ang sinubmit ko lang ay yung lisensya ko sa Pilipinas, yung membership ko sa [PMA], yung curriculum vitae ko, tapos ni-review nila," sabi ni Herbosa.
"Tapos kaunting interview, tapos binigyan ako ng temporary license in the hospital doon sa Universiti Kebangsaan Malaysia (National University of Malaysia)."
Kakausapin naman daw ni Herbosa ang PRC pagdating sa posibilidad ng pagluluwag ng licensing rules para mapayagan ang foreign doctors na mag-practice nang pansamantala sa bansa.
- Latest