35K katao apektado na sa pag-aalburoto ng Mayon
MANILA, Philippines — Umaabot na sa mahigit 8,000 pamilya o katumbas ng halos 35,000 indibidwal ang apektado na ng abnormal na aktibidad ng Bulkang Mayon, batay sa pinakahuling datos mula sa DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center nitong Hunyo 11.
Ayon sa DSWD, mula ito sa 26 na barangay na karamihan ay nasa loob ng permanent danger zone sa paligid ng Mayon.
Kaugnay nito, umakyat na rin sa 3,643 pamilya o 13,000 indibidwal ang nananatili sa 20 itinalagang evacuation centers sa Bicol.
Habang mayroon ding higit 100 pamilya ang pansamantalang nakitira muna sa kanilang mga kaanak.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang buhos ng tulong ng Department of Social welfare and Development katuwang ang mga lokal na pamahalaan at NGOs sa mga apektadong residente sa Bicol region.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na rin sa higit P25 milyon ang naipamahagi nitong relief assistance sa mga apektado ng bulkang Mayon
Bukod ito sa P1.7 bilyong halaga ng stockpile ng DSWD at P200 milyong standby funds para maitulong sa mga mangangailangang LGU na apektado ng bulkan.
- Latest