MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Philippine Red Cross (PRC) ng mga dapat gawin kapag may pagsabog sa bulkan.
Ngayong nakataas na ang alert level status ng bulkang Mayon sa Albay, nagbigay ng tips ang PRC para maging gabay ng mamamayan.
Pinapayuhan nito ang publiko na sundin ang mga utos ng paglikas na ibinababa ng mga otoridad at gawin agad ang emergency plan at ang pagsuot ng face mask bilang proteksyon sa sarili.
Ipinaalala din ng PRC na dapat nakasara ang mga bintana at pintuan upang maiwasan ang pagpasok ng abo sa loob ng tahanan at kailangan ding makinig sa radyo at telebisyon para malaman ang mga bagong impormasyon at paalala mula sa pamahalaan kaugnay ng kalamidad.
Higit sa lahat, dapat may nakahanda nang lifeline kit ang pamilya gayundin maproteksyunan ang mata tulad ng pagsusuot ng googles, at siguraduhing natatakpan ang balat.
Sa paglikas, kinakailangan ding isama sa evacuation areas ang mga alagang hayop at higit sa lahat ay isulat at tandaan ang mga emergency numbers.
Tiniyak naman ni PRC Chairman Dick Gordon na magiging matatag ang presensya ng Red Cross sa Albay at sa buong rehiyon ng Bicol, lalo na sa panahon ng aktibidad ng bulkan at iba pang kalamidad.
Patuloy na nakataas sa alert level 3 ang Mayon na may mataas na posibilidad na magkaroon ng pagsabog.