Ika-158 Malasakit Center binuksan sa Guagua
MANILA, Philippines — Binuksan kahapon ang ika-158th Malasakit Center sa Diosdado P. Macapagal Memorial Hospital sa Guagua, Pampanga para magbigay ng kinakailangang tulong medikal at suporta sa lokal na komunidad.
Ang paglulunsad ng Malasakit Center ay dinaluhan nina Pampanga Governor Dennis Pineda, Vice Governor Lilia Pineda at DOH Secretary Dr. Teodoro Herbosa at ng iba pang kilalang bisita.
Ika-89 sa Luzon at ika-15 sa Rehiyon III, ang Malasakit Center ay itinatag para maginhawang mabigyan ng tulong medikal ang mga nangangailangan, lalo ang salat sa pananalapi.
Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, pangunahing tagapagtaguyod ng programa, may akda at nag-isponsor ng Malasakit Centers Act of 2019, ang kritikal na papel nito sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa malaking populasyon ng Pilipino.
“Bilang chair po ng committee on health sa Senado, ‘yan po ang advocacy ko, health po… kaya patuloy na gagawin ko itong mga Malasakit Center,” sabi ni Go.
Nagsimula ang konseptong Malasakit Centers sa mga personal na karanasan ni Go sa kanyang pagbisita sa mga ospital at institusyong medikal sa buong bansa.
Sa pagsaksi sa paghihirap ng mga pasyente, lalo na sa mga gastusin sa pagpapagamot, napag-isipan ng senador na pabilisin ang sistema sa pagbibigay ng tulong-medikal.
Kaya simula nang buksan ang unang Malasakit Center sa Cebu City noong 2018, umabot na sa 158 ang bilang nito sa buong bansa. Mahigit na rin sa 7 milyong indibidwal ang natulungan nito, ayon sa Department of Health.
- Latest