Albay isinailalim na sa state of calamity
Sa patuloy na pag-aalboroto ng Mt. Mayon
MANILA, Philippines — Isinailalim na kahapon sa state of calamity ang buong Albay dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Mt. Mayon.
Base ito sa naging kahilingan ni PDRRMC chief at Gov. Edcel Greco Lagman makaraang itaas sa alert level 3 ang estado ng bulkan upang magamit ng lalawigan at lahat ng apektadong bayan at lungsod ang kani-kanilang calamity fund at magkaroon ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
Inamin ni Gov. Lagman na may natitira pang P42 milyong calamity fund ang probinsya habang P30 milyon lamang dito ang pwedeng gamitin para sa “Mayon operation” lalo na sa pangangailangan ng mga evacuees. Posibleng kulangin ang naturang pondo lalo na kung humaba pa ang ipinapakitang aktibidad ng bundok.
Ayon naman kay Eugene Escobar, operation officer ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office o APSEMO, posibleng umabot lamang sa dalawang linggo ang naturang calamity fund kaya malaking bagay ang pagdedeklara sa state of calamity para magamit na muna ng mga LGU ang kani-kanilang pondo.
Hanggang kahapon ng hapon ay patuloy sa ginagawang paglilikas ang mga residente na nasa loob ng 6-kilometer danger zone.
Posibleng hanggang ngayong araw ay matapos ang paglilikas sa tinatayang higit 2,400 pamilya o higit 10-libong indibidwal.
Kung itaas pa at ideklara ng Phivolcs sa alert level 4 ang estado ng bulkan ay madadagdagan pa ito ng tinatayang 16-libong residente na mula naman sa 7 hanggang 8 kilometer danger zone.
Nilinaw naman ni Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal sa isang panayam, na wala silang ginawang paglilikas pa dahil lahat ng kanilang mga barangay sa tinatawag na Mayon Unit gaya ng Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan at Brgy. Padang ay nasa loob na ng 7 kilometer extended zone. Gayunman, pinaghahanda na nila ang mga residente at pinayuhang mag-ingat at laging mag-obserba at makinig sa abiso ng mga otoridad.
Samantala, sinabi ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na matapos ilagay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa alert level 3 ang Mayon, mas pinaghahandaan ngayon ng mga taga-Albay ang nagbabadyang mapanganib at malakas na pagsabog ng bulkan.
Ani Lagman, nakipagkoordinasyon na siya kina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Albay Gov.Edcel Greco “Grex” Lagman at Tabaco City Mayor Krisel Lagman gayundin sa iba pang mga alkalde ng First District ng Albay para sa malawakang paghahanda.
“Food packs and other relief items are now prepositioned for the eventual calamity,” ani Lagman.
- Latest