Alert level 3 itinaas sa Mayon!

Uploader Jay Carolino captured these breathtaking photo of Mayon Volcano in Legazpi, Albay on May 23, 2023.
Photo courtesy of Jay Carolino

MANILA, Philippines — Itinaas na sa alert level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang estado ng Bulkang Mayon sa Bicol  dahil sa patuloy na abnormal na aktibidad ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilang at volume ng rockfall events sa bulkan nitong mga nakalipas na araw.

Sa rekord, mula 54 rockfall events noong June 1 hanggang June 4 ay umakyat sa 267 rockfall events ang naitala sa bulkan nitong June 5 hanggang June 8.

Bukod dito, may namonitor ding 2 volcanic earthquake sa Mayon.

Ayon sa PhivolcS, batay sa kanilang overall monitoring parameters, may posibilidad ang magmatic eruption sa bulkan sa loob ng ilang araw o linggo.

Malaki rin aniya ang tiyansa ng lava flow at mapanganib na pyroclastic density current o PDC events sa upper at middle slopes ng bulkan.

Dahil dito, inirekomenda na ng Phivolcs ang evacuation sa 6-km radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng PDCs, lava flows, rockfalls at iba pang volcanic hazards. — Jorge Hallare

Show comments