Exit plan sa COVID-19 inutos ni Pangulong Marcos sa bagong DOH chief
MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Health Secretary Ted Herbosa na bumuo ng COVID-19 exit plan at pagtuunan ng pansin ang ibang kumakalat na sakit.
Sinabi ni Herbosa, dating Special Adviser sa National Task Force Against COVID-19, nais ng Pangulo na magkaroon na ng exit plan ang gobyerno para makalabas na sa COVID ang bansa.
“Well, number one of course, sinabi niya iyong COVID, gusto niya ng exit plan para makalabas na tayo sa COVID at magtuluy-tuloy iyong mga kinakailangan na bagong bakuna, iyong mga tinatawag nating bivalent vaccines,” ani Herbosa.
Partikular na pinatututukan aniya ng Pangulo ang tumataas na bilang ng may tuberculosis at ang dumadaming kaso ng mga kabataan na may HIV.
“So, pangalawa, sinabi niya sa akin, ‘Bakit top 10 pa rin tayo, number 9 po yata tayo sa dami ng may tuberculosis sa ating bansa compared sa ibang bansa?’ So, gusto niya sana siguro, mawala tayo doon sa top 10…At pangatlo, sinabi niya, ‘Bakit madaming kabataan natin ang nagkakaroon ng HIV?’ and totoo iyon, sinabihan tayo ng World Health Organization na isa tayo sa countries with a very high rate of transmission; dumadami. So tututukan ko rin ito, upon his instructions,” dagdag ni Herbosa.
Nauna nang inihayag ng COVID-19 task force ng bansa noong nakaraang taon na dapat kasama sa pandemic exit plan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocol.
- Latest