Bulkang Taal tuloy sa pag-alboroto
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas habang nasa ilalim ng ALert Level 1.
Sa latest report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon, nakapagtala ng 2 volcanic tremors, pagluwa ng asupre na may 5,831 tonelada at may naitalang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa main crater ng bulkan.
Nakapagtala rin ang Taal ng pagluwa ng puting usok na may taas na 1500 metro na napadpad sa hilagang-silangan at silangan-hilagang silangan.
Nakita rin ang maikling pamamaga ng hilagang kanlurang bahagi ng Taal at pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera.
Bunga nito, pinapayuhan ang sinuman na huwag papasok sa Taal Volcano Island (TVI) lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures at bawal din ang pamamalagi sa lawa ng Taal.
Ipinagbabawal din ng Phivolcs ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng Taal dulot ng posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pagbuga ng mga nakalalasong gas.
- Latest