Pekeng ‘overseas employment certificates’ nagkalat sa online
MANILA, Philippines — Nagbabala sa publiko ang Bureau of Immigration (BI) lalo na sa mga magtatangka na bumiyahe palabas ng bansa na huwag nang tangkain na gumamit ng mga pekeng ‘overseas employment certificates (OEC)’ na makukuha ngayon sa online.
Inilabas ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang babala makaraang makasabat ng panibagong batch ng mga Pilipino na paalis ng bansa na gumagamit ng mga pekeng OEC.
Nasabat ang tatlong biktima ng human traffickers nitong nakaraang Martes sa NAIA Terminal 1 habang nagtatangkang lumipad patungo ng Warsaw, Poland.
Inamin ng mga biktima, isang babae at dalawang lalaki, na na-recruit sila sa social media at nakikipag-usap sa kanilang recruiter sa messenger. Nagbayad umano sila ng tig-P70,000 at nagbayad ng dagdag na tig-P7,000 para sa pagpapabilis ng kanilang OEC, na natanggap nila sa kanilang email.
Sa pagsusuri ng BI, nakumpirma na peke ang kanilang OECs.
Bukod dito, isa pang insidente ng paggamit ng isang lalaki ng pekeng OECs ang nasabat naman sa Clark International Airport.
Patungo sana ng Dubai nitong Mayo 28 ang biktima upang magtrabaho bilang personnel manager ng isang service provider nang matukoy ng mga immigration officials na peke ang kaniyang ipinakitang dokumento.
- Latest