Isa patay sa Western Visayas habang 77,800 nasalanta dulot ng bagyong 'Betty'

Makikitang napinsala ang Bontol Bridge sa probinsya ng Antique noong kasagsayang ng bagyong "Betty," na na gustong mapaayos ng mga residente sa ngayon

MANILA, Philippines — May isa nang naiulat na nasawi dahil sa nagdaang bagyong "Betty" (Mawar), bagay na kasama sa libu-libong naapektuhan ng bagyo ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Umabot na sa 77,801 katao ang nadali ng nasabing sama ng panahon, kasama na riyan ang:

  • patay: 1
  • sugatan: 1
  • nasa loob ng evacuation centers: 2,187
  • nasa labas ng evacuation centers: 414

"A total of 1 dead, 1 injured, and 0 missing persons were reported," wika ng NDRRMC kanina sa isang pahayag. Sinasabing taga Western Visayas ang nasawi.

"[Around] 678 families or 2,187 persons were served inside 42 [evacuation centers] and 138 families or 414 persons were served
outside ECs."

Huwebes lang nang makalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo na siyang umabot pa sa super typhoon category.

Ang mga sinasabing apektadong populasyon ay nagmula sa mga sumusunod na lugar:

  • Ilocos Region: 60
  • Cagayan Valley: 24,355
  • Central Luzon: 11,361
  • MIMAROPA: 2,023
  • Western Visayas: 17,985
  • Cordillera Administrative Region: 22,017

"A total of 86 damaged houses are reported in Region 1, Region 3, Region 6, CAR," dagdag pa ng NDRRMC. Sa bilang na 'yan, walo ang wasak na wasak.

Umabot naman na sa P25,000 halaga ng pinsala ang naitamo ng naturang bagyo sa sektor ng agrikultura sa Cordillera. Sa parehong rehiyon, naitala rin ang nasa P68,695 halagang damages sa infrastructure.

Matatandaang nakapagpabagsak ng mga puno, nakapagpaguuho ng lupa, nagsanhi ng ipo-ipo, at daluyong (storm surge) ang naabing bagyo sa Region 1, Region 3, MIMAROPA at Region 6 bago nakaalis ang bagyong "Betty" sa PAR.

Nakapag-abot naman na ng nasa P9.74 milyong halaga ng ayuda sa mga nasalanta ng sama ng panahon sa porma ng family food packs, tulong pinansyal, sleeping kits, atbp.

Show comments