Rep. Gomez pumalag sa pagsira ng kalikasan sa Leyte

MANILA, Philippines — Kinastigo ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez ang mga umano’y lantarang paglabag sa land use at mga batas ukol dito sa mga munisipalidad ng Palompon at Albuera at nagpahayag ng alarma sa matinding polusyon ngayon sa tubig, lupa at hangin sa naturang mga lugar.

Tinuligsa rin ni Gomez ang umano’y pagbabawalang-bahala ng lokal na pamahalaan ng Palompon at Albuera at ng regional office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga iligal na aktibidad ng mga pribadong negosyo sa kanilang hurisdiksyon, sa nakalipas na pagdinig ng House Committee on Environment and Natural Resources.

“My esteemed colleagues, I come before you to present a case of massive water, soil, air and environmental pollution, along with gross violations of our nation’s most fundamental land use laws. These acts continue to be committed in my district, the fourth district of Leyte, specifically in the municipalities of Palompon and Albuera,” pahayag ni Gomez sa gitna ng diskusyon sa panukalang House Resolution No. 778 na kaniyang iniakda.

Tinukoy niya ang mga paglabag ng isang chicken dressing plant sa munisipalidad ng Albuera, na naitatag noong 2015 na nag-ooperate sa kapasidad na 55,000 manok kada araw at pag-aari ng isang lokal na opisyal.

Patuloy na nag-ooperate ang kumpanya sa kabila ng apela ng nakapaligid na komunidad sa DENR na mag-isyu ng ceast and desist order dahil sa problema sa kalusugan dulot ng napakaraming langaw at masangsang na amoy ng dumi ng manok bukod pa sa polusyon sa ilog na patungo sa Ormoc Bay.

Patunay ng polusyon na dulot nito ang resulta ng pag-aaral ng Department of Biological Sciences ng University of Santo Tomas-College of Science, sa kalidad ng tubig, stream ecology at microbial analysis ng batis ng Albuera-Tinag-an na nagpapakita ng polusyon dulot ng mga dumi ng manok na nagtutungo sa Ormoc Bay.

Hinikayat ni Gomez ang mga kapwa mambabatas na tignan ng malaliman ang mga basyolasyon at aksyunan ang umano’y walang kahihiyan na pagsira sa kalikasan na inaasahan ng maraming tao para sa kabuhayan.

Show comments