MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na target ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) na mag-hire ng isang milyong skilled Filipino workers sa susunod na dalawang taon.
Ayon kay DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople, tinalakay na ng Pilipinas at ng KSA ang posibilidad na magkaroon ng isang special hiring program upang matugunan ang ‘labor needs’ o pangangailangan nito ng mga manggagawa.
Sinabi ni Ople na kailangan ng KSA ng mas maraming manggagawang Pinoy sa sektor ng hospitality, construction, at information and technology.
Gayunman, binigyang-diin ni Ople na kailangang balansehin ng pamahalaan ang panawagan ng Saudi Arabia para sa mas maraming manggagawang Pinoy sa hiring demand ng mga lokal na kumpanya.
“We need to have a special hiring program that would accommodate their needs while also scaling up our skills training and opportunities for job internships so that there is continued sustainability for our own needs and for the needs of our external partners,” paliwanag pa niya.
Nakatakda aniyang magpadala ang Saudi Arabia ng technical team sa Pilipinas sa Hunyo upang talakayin ang programa.
Nauna rito, noong nakaraang linggo ay nakipagkita ang mga opisyal ng DMW sa Saudi Human Resources and Social Development Minister Ahmed Al-Rajhi sa Riyadh.
Sa datos, nasa 700,000 mga Pinoy ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi Arabia mula sa dating 1.5 milyon bago manalasa ang pandemya noong 2020.