Gatchalian nagpaalala sa mga bangko: ‘Di pagkilala sa National ID, may P500K multa
MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Win Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na paalalahanan ang mga bangko na tanggapin o kilalanin ang national ID bilang sapat na patunay ng pagkakakilanlan ng taong gumagawa ng transaksyon. Sinumang tumanggi, aniya, ay pagmumultahin ng P500,000.
Ito’y sa gitna ng patuloy na mga reklamo na ilang mga bangko ang tumatangging kilalanin ang national ID bilang patunay ng pagkakakilanlan dahil ang card mismo ay walang pirma ng may-ari nito.
“Hindi ito ang intensyon ng batas. Layon ng national ID system na gawing simple ang iba’t ibang uri ng transaksyon, pang pribado man o pang publiko. Dapat busisiin ng BSP ang isyung ito at tiyakin na lahat ng financial institutions, lalo na ang Landbank at Development Bank of the Philippines, ay sumusunod sa batas,” sabi ni Gatchalian.
Ayon sa mambabatas, malinaw sa Memorandum M-2021-057 na ang hindi pagsama ng isang sulat-kamay na lagda bilang bahagi ng Philippine identification (PhilID) ay sadyang sinadya at kahalintulad ng national ID system sa ibang bansa tulad ng India, Singapore, Malaysia, Thailand, Vietnam, at iba pa. Layon nitong isulong ang mas higit na seguridad sa mga transaksyon sa pamamagitan ng mas malakas na paraan ng pag-verify at mas mababang panganib ng pamemeke.
Ang pagpapatunay ng pagkakakilanlan ay ginagawa sa pamamagitan ng PhilID physical security features, QR code digital verification, biometric verification, at SMS one-time password (OTP).
Ang mga bangko ay karaniwang nangangailangan ng dalawa o higit pang mga ID at iba pang mga kinakailangang dokumento kapag nagbubukas ang konsyumer ng bank account. Pero ayon sa ilang reklamo, ‘yung may dalang isang valid ID lamang, na karaniwang mula sa sektor ng mababang kita, ay tinatanggihan.
“Hindi na kailangan ng ibang valid ID kung ang national ID lang ang dala-dala,” sabi ni Gatchalian, na binibigyang-diin na ang national ID ay isang opisyal at sapat na patunay ng pagkakakilanlan.
Hinikayat din ng mambabatas ang publiko na isumbong sa BSP ang mga bangkong hindi tumanggap ng national ID para sa kanilang bank transactions.
- Latest