MANILA, Philippines — Hindi sasantuhin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang sinumang tauhan na gumagawa ng kalokohan sa pagtupad sa tungkulin tulad ng paghingi ng suhol mula sa mga kliyenteng taga Quezon City.
“Hindi natin palalampasin ang mga ganitong klaseng pang-aabuso at pagmamalabis sa ating mga QCitizen lalo na kung sangkot mismo ang ating mga kawani sa pamahalaan. Here in QC, we will never condone the ‘palakasan’ system. No one should dangle money or gifts in exchange for special favors or a shortcut to our processes. We have embraced digitalization so that everything is done expeditiously, eliminating red tape,” sabi ni Mayor Belmonte.
Ginawa ng alkalde ang pahayag makaraang mahuli sa entrapment operation ng QC Police District ang dalawang tauhan ng QC Treasurer’s Office na nangikil umano sa isang kliyente kapalit ng mabilis na proseso ng dokumento sa naturang opisina.
Sa imbestigasyon noong April 18, 2023, isang kliyente ng City Treasurer’s Office (CTO) ang nag-aplay ng Certificate of Retirement of Business. Ang suspek, isang Revenue Examiner at isang Administrative Aide ay na-assessed ang requirements ng kliyente at pinagbabayad ng P77,632.00 para sa tax due bago ang retirement.
Habang pinoproseso ang certificate ng kliyente, ang mga suspek umano ay humingi ng P50,000 para mapabilis ang paglabas ng dokumento sa kundisyon na ang “discounted rate” ay hindi bibigyan ng official receipt.
Agad nagsumbong ang kliyente sa QC police laban sa dalawang empleyado ng CTO at agad naisagawa ang entrapment laban sa mga suspek na naging daan para mahuli ang mga ito ng mga pulis.
Naisampa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007 sa QC Prosecutor’s Office aban sa dalawang suspek.