Mga grupo hiling palayain 2 'IP rights activists' isang buwan matapos dakpin sa Oriental Mindoro

Kuha ng pamilya ni Mary Joyce Lizada na nakapiit ngayon sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal
Released/BALATIK - Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan

MANILA, Philippines — Iginigiit ngayon ng ilang progresibong grupo ang agarang pagpapalaya sa tinaguriang "Mansalay 2" na sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado, ito matapos iligal diumanong hulihin sa Oriental Mindoro at "pahirapan ang komunikasyon" sa kanilang pamilya't mga abogado.

Ngayong buwan lang nang ibalita ng state-run Philippine Information Agency ang pagkakadakip ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion kina Lizada at Aumentado sa Barangay Teresita, Mansalay matapos paratangang lider ng New People's Army (NPA).

"Kinukundena namin ang pangho-hostage sa Mansalay 2 ng militar sa Camp Capinpin. Pinapahirapan pa nila ang pamilya, abogado, at paralegal team ni Mary Joyce Lizada; sa isang buwan na nakadetine ang dalawa, hindi pa sila nagkakaroon ng maayos na usap sa kanilang pamilya at abogado," ani Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan National, Huwebes.

"We should not tolerate the military’s standing in the way of due process, and continuously violating the rights of the two illegally detained IP activists who were investigating the violence of militarization in the countryside. We call for the immediate release of Mary Joyce Lizada and Arnulfo Aumentado."

 

 

Sinasabing miyembro sina Lizada at Aumentado ng Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), isang progresibong organisasyon ng mga katutubo. Huli silang nakontak ng kanilang mga pamilya noong ika-24 ng Abril.

Una nang iniulat ng Karapatan Timog Katagaluhan na nag-iimbestiga ang dalawa sa serye ng rights violations laban sa mga katutubong Mangyan kasunod ng Howitzer shelling sa Barangay Waygan at Teresita na nakaapekto raw sa 6,000 katao noong Oktubre.

Sinasabing nauwi ang operasyon sa physical assault at enforced disappearance ng Mangyan-Hanunuo na si "Kitot" noong ika-22 ng Setyembre.

'Nilapatan sila ng lunas'

Pinararatangan ng militar na may kinalaman sila sa pagkamatay ng katutubong sundalong Mangyayan na si Private Mayuay Unaw. Sa kabila nito, nilapatan pa rin daw ng mga sundalo ng first aid si Aryo matapos "mauntog ang ulo at mabalian ng kamay."

Nahuli raw ang mga nabanggit matapos tumugon sa sumbong ng mga residente na "may mga armadong umaaligid" sa kanilang erya.

Una nang sinabi sa ulat ng gobyerno na regional staff ng Southern Tagalog Regional Party Commitee ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Lizada habang komiteng tagapagpaganap naman daw si Aumentado ng SRMA-4D, Pangalawang Kalihim ng KLG MAV at P4/GP o Logistics and Finance/Giyang Pampulitika ng Platun Serna.

Kabilang daw sa mga nakumpiska sa kanila ng mga sundalo ang "Uzi sub-machine gun assault rifle, isang carbine rifle, isang improvised explosive device, mobile cellphones, tablet, magazine at mga bala, gamot, contraceptive pills at mga dokumentong subersibo."

Politically motivated?

Ayon naman sa grupong National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth, dapat agad mapalaya sina Lizada at Aumentado lalo na't nilabag daw ang kanilang demokratikong karapatan sa pag-oorganisa at due process.

"The charges against them are clearly politically-motivated, as with all the trumped-up charges filed against activists from the previous upto the current regime," ani Marina Cavan, national spokesperson ng NNARA-Youth national.

"Organizing indigenous peoples is not a crime, and with aggressive development projects that displaces indigenous peoples from their communities, dissent becomes necessary."

"Hindi kami titigil hangga't ang Mansalay 2 at lahat ng bilanggong pulitikal ay mapalaya. Patuloy na ipaglalaban ng sambayanang Pilipino ang karapatang mag-organisa at tumindig para sa karapatan ng mga magsasaka, pambansang minorya, at lahat ng masang anakpawis na pinagsasamantalahan."

Sinusugan din ng grupo ang panawagan ng mga human rights groups sa buong mundo na palayain na ang mga political prisoners sa Pilipinas, lalo na't nagagamit daw ito upang patahimikin ang mga kritiko ng administrasyon.

Show comments