MANILA, Philippines — Nasa higit P9 milyon na ang halagang naiturn-over ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCS) upang gamiting pondo sa kampanya kontra iligal na droga sa bansa ngayong unang quarter ng taon 2023.
“Bilang bahagi ng mandato natin, nakapagbigay tayo ng P9,636,539.40 sa Dangerous Drugs Board para makatulong sa pagsustento sa kanilang kampanya kontra sa droga,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
Ang nasabing halaga ay bahagi ng mandatoryong kontribusyon ng ahensya sa iba’t ibang institusyon.
Batay sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act No. 9165), inaatasan ang PCSO na mag-remit sa DDB ng 10 porsyento mula sa lahat ng hindi na-claim at na-forfeit na mga premyo sa sweepstakes at lotto na hindi bababa sa P12 milyon bawat taon.
Itinakda pa ng batas na hindi dapat bababa sa 50 porsiyento ng lahat ng pondo ay dapat na ilaan upang bigyang tulong ang mga pagmamay-ari ng gobyerno gayundin ang mga pinapatakbo nitong rehabilitation centers.
“Illegal drugs remains a serious issue that threatens our people. This is why the PCSO is proud that we can contribute towards efforts to eradicate this threat,” ani Cua.
Umaasa si Cua na ang kontribusyon ng PCSO ay makakatulong sa pagtatatag ng mas maraming drug abuse treatment at rehabilitation facility sa buong bansa.
Noong nakaraang taon, nag-turn over ang ahensya ng kabuuang P39,332,279.10 sa DDB