Grupo pinuna planong 'food stamps' ng DSWD, idiniin pagpapataas ng produksyon
MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang grupo ng kababaihang magsasaka ang planong pagpapatupad ng "food stamp" program ng gobyerno, bagay na hindi raw tumutugon sa tunay na sanhi ng gutom at kahirapan sa Pilipinas.
Target ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamumudmod ng P3,000 halaga ng food credits sa Hulyo para makabili ng pagkain ang isang milyong mahihirap na pamilya sa accredited retailers.
“Food Stamp Program naman ngayon. Ibig sabihin, wala na silang ibang maisip at hindi na nila talaga ma-deny ang napakalalang kagutuman," ani Zenaida Soriano, chairperson ng Amihan National, Miyerkules.
"Kung sabi ng DSWD sa programa nilang 'Walang Gutom 2027,' bakit hindi palakasin ang lokal na produksyon para may makain ang mamamayang Pilipino. Dapat masapol nila ang problema para masolusyonan ito."
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maaaring pondohan ng Asian Development Bank ang naturang programa bilang sagot sa kumakalam na sikmura ng mga nagugutom na Pilipino.
Pero para kina Soriano, kinakailangang matutunan ng gobyerno na pagpapalakas ng lokal na industriya ng agrikultura ang magiging pangmatagalang sagot sa problema at hindi importasyon.
Pangamba pa nila, malamang ay humingi ng kondisyon ang ADB para pondohan ang naturang programa gaya na lang ng pagpapatindi ng mga neoliberal na patakaran sa Pilipinas. Nangyayari ang lahat ng ito habang si Bongbong ang nakaupong de facto na kalihim ng Department of Agriculture.
"Band aid solution na naman ito. Kung sinsero ang gubyerno na resolbahin ang kagutuman ay dapat unahin nila iyan at lumikha ng trabaho sa malawak na labor force kasabay ng nakakabuhay na sahod, ayuda at abot-kayang presyo ng mga pagkain," wika pa ng peasant leader.
"Pampalubag loob lamang ito sa mga maralitang mamamayan at malaki ang posibilidad na tutungo ito sa batbat na mga problema at intriga batay na rin sa mga karanasan ng programa ng gubyerno."
Sa huling survey ng Social Weather Stations noong Marso, lumalabas na umabot sa 9.8% ng mga pamilyang Pilipino (2.7 milyon) ang nakaranas ng involuntary hunger at kawalan ng pagkain sa nakalipas na tatlong buwan.
Kahit na mas mababa ito sa 11.3% noong Disyembre 2022, kapansin-pansing mas mataas pa rin ito kumpara sa 8.8% hunger rate noong Disyembre 2019—ilang buwan bago nagsimula ang COVID-19 pandemic. — James Relativo
- Latest