MANILA, Philippines — Pina-contempt ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang pitong pulis na pinaniniwalaang bahagi ng “cover-up” sa P6.7 bilyong shabu na nakumpiska sa isang raid sa Maynila noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga ikinulong sa Senado sina Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. at ang kanyang superior na si National Capital Region (NCR) Drug Enforcement (DEG) officer-in-charge Lt. Col. Arnulfo Ibañez.
Gayundin sina Police Master Sgt. Carlo Bayeta, Patrolman Hasan Kalaw, Patrolman Dennis Carolina, Patrolman Rommar Bugarin at Patrolman Hustin Peter Gular.
Ang lima ay na-cite in contempt ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, chair ng komite, matapos nilang iginit na hindi sila bahagi ng grupo na nakahuli kay Mayo sa kabila ng kumpirmasyon ni Police Capt. Jonathan Sosongco, ang pinuno ng arresting team.
Iginiit ng limang pulis na hindi si Mayo ang kanilang inaresto kundi si Ney Atadero, ang preso at ang kasabwat nito.
Si Atadero ay unang nadakip sa WPD Lending Company. Si Mayo naman ay inaresto sa Bambang, sa Tondo sa follow up operation na nagresulta sa pagkadiskubre ng 990 kilo ng shabu.
Iginiit naman ng mga pulis ang kanilang karapatan na manahimik nang gisahin ni Dela Rosa.
Dahil dito, nainis at napamura si Sen. Jinggoy Estrada nang paulit-ulit na sinabi ng mga pulis ang kanilang ‘right against self-incrimination’ nang tanungin kung sila ay nakatanggap ng tawag o mensahe mula kay Sosongco para sa operasyon.
Pinabulaanan naman ni Ibañez na mayroon siyang alam sa aktibidad ng kanyang mga tauhan.