MANILA, Philippines — Balak imbesistigahan sa Senado ang Northern Davao Electric Cooperative (Nordeco) kaugnay ng mahahabang brownout sa Island Garden City of Samal.
Ayon kay Sen. Raffy Tulfo, dahil sa kapabayaan ng Nordeco ay nalagay sa state of calamity ang siyudad dahil sa hindi masolusyunang brownout na nagdulot ng malaking abala sa mga residente doon.
“Sunod-sunod na energy crisis na ang nararanasan sa ating bansa. Matapos sa Occidental Mindoro at Panay Island, ngayon naman sa Samal Island,” ani Tulfo.
Ang hearing ng Committee on Energy ukol sa energy crisis sa Samal Island ay gaganapin nitong Miyerkules, May 24. Ayon kay Tulfo, layunin ng naturang hearing na panagutin ang may kapabayaan at hanapan ng pangmatagalang solusyon ang power crisis.
“Pero sa lumilitaw ngayon, ang Nordeco umano ang ugat ng kapalpakan dahil sa sintanda na ng kanilang mga ninuno ang naghihikahos na submarine cable doon na hindi pa napapalitan,” dagdag pa ng senador.
Base sa report na nakarating sa senador, mula pa noong nakaraang taon, araw-araw na tinitiis ng mga residente ng Samal ang umano'y pito hanggang walong oras na brownout kapag peak load at dalawa hanggang tatlong oras namam kapag off-peak.
Ang Nordeco, na dating kilala na Davao del Norte Electric Cooperative Inc. (Daneco), ay umaani ng batikos sa mga consumers nito dahil sa kapalpakan nito sa serbisyo sa koryente.
“Malinaw umano na bigo ang NORDECO na makapaghanda sa mataas na demand sa koryente sa paglago ng industriya ng turismo sa naturang lugar,” dagdag ni Tulfo.
Sa ngayon, tumaas ng mula 3 megawatts (MW) hanggang 9MW ang kaylangang punuan ng Nordeco dahil sa pagdami ng mga negosyo at establisimento tulad ng mga resorts, restaurants at iba pang pamilihan.
Ang Samal Island ay konektado sa Pantukan Grid sa pamamagitan ng isang kilometrong antigong submarine cable na pag-aari ng Nordeco, subalit magmula pa ng 1980s ay hindi na ito na-upgrade pa ng naturang kumpanya.
“Malinaw na hindi na kayang serbisyuhan ng buo ng 43 taong gulang na submarine cable ang Samal Island base sa mga brownout na nararanasan sa kasalukuyan,” pahayag ni Tulfo.
Ayon pa sa senador, para malutas ang problema sa brownout, ipinanukala ng Nordeco na maglatag ng 15-kilometrong submarine cable na nagkakahalaga ng 1.5 billiong piso upang pagdugtungin ang Samal at bayan ng Pantuka. Subalit hindi ito inaprubahan ng Energy Regulatory Commission sapagkat wala naman umanong inihain na panukala ang Nordeco para sa Pantuklan submarine cable.
Sinabi ni Tulfo na sa kasalukuyan, tanging ang Mindoro Grid Corporation ang may kapabilidad na mag-provide ng 6.962MW na kuryente sa Samal samantalang 3MW lamang ang napo-provide ng Nordeco.
“Sa kabuoang 9MW na pangangailangan ng Samal, tanging 6.12MW lamang ang naibibigay kung kaya malaki talaga ang kakulangan,” dadag ni Tulfo.
“Sa kabila ng kapalpakan na ito, naniningil pa din ang Nordeco ng mas mahal ng tatlo hanggang apat na piso kumpara sa ibang mas maayos na kumpanya ng koryente.”