MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ng Road Safety Month, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kritikal na pangangailangang palakasin ang road safety measures sa bansa sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kampanya sa edukasyon at pagsasabatas ng Senate Bill No. 1290, na kilala rin bilang Walkable and Bikeable Communities Act.
Isa sa co-sponsor ng panukalang batas, nais ni Go na mag-establisa ng mga ligtas na ruta para sa mga siklista, pedestrian, at slow vehicles sa buong bansa.
Sa isang ambush interview matapos personal na magbigay ng tulong sa mga mahihirap na residente sa Sta. Praxedes, Cagayan, ipinahayag ni Go ang kanyang pagkabahala sa mga naitatalang pagkamatay sa bansa bawat taon dahil sa mga aksidente sa kalsada.
“According to the DOTr (Department of Transportation), mayroon pong around 11,000 deaths recorded kada taon sa Pilipinas dahil po sa road crashes,” ani Go.
“Sa kadalasan po, ito pong drunk driving, over speeding, texting while driving, iwasan po natin ‘yan, at human error,” dagdag niya.
Batay sa 2018 World Health Organization’s Global Status Report on Road Safety, ang Pilipinas ay nagpapakita ng lumalaking bilang ng mga namamatay sa trapiko sa kalsada, na may mortality rate na 12.3 para sa bawat 100,000 residente.
Ipinoposisyon nito ang bansa bilang ika-10 pinakamapanganib sa Asya sa mga namamatay sa kalsada.
Bukod pa rito, ang Timog Silangang Asya ay kapansin-pansin sa pagkakaroon ng pangalawang pinakamataas na insidente ng pagkamatay sa trapiko sa kalsada sa buong mundo.
Upang malabanan ito, hinimok ni Go ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na sangkot sa Philippine Road Safety Plan para sa 2023 hanggang 2028 na paigtingin ang road safety education campaign sa buong bansa.
“Halimbawa, ‘yung mga kumukuha po ng driver’s license, siguraduhin pong complied talaga, dapat walang palusot, dapat pumasa sa mga practical at theoretical lessons. Kasi mayro’ng iba sa kanila nagpapakuha na lang sa mga fixer,” ipinunto ni Go.
Binigyang-diin ng senador na ang kaligtasan sa kalsada ay hindi lamang mahalaga para sa mga driver at kanilang mga pasahero kundi maging sa mga pedestrian.