MANILA, Philippines — Matapos kumalas sa Lakas-CMD Usap-usapan ngayon ang ipinaskil na ‘cryptic message’ ni Vice President Sara Duterte sa social media, kung saan tinawag nito ang pansin ng isang tao at pinayuhang itigil ang pagiging ‘tambaloslos.’
“Sa imong ambisyon (sa iyong ambisyon), do not be tambaloslos,” ani Duterte, bilang caption ng kanyang self-portrait photo na ipinaskil sa kanyang verified Instagram account.
Hindi pa naman malinaw kung ano o para kanino ang naturang post ng bise presidente, ngunit inilabas niya ito, sa gitna nang kaguluhang nagaganap sa House of Representatives.
Ang ‘tambaloslos’ ay sinasabing tumutukoy sa isang mythical creature na inilarawan bilang “halimaw o kakaibang nilalang na may malaking bibig at ari.”
Ito rin ang Visayan o Cebuano slang para sa isang tao na puro daldal lamang, walang kakayahan o hangal, at kadalasang ginagamit bilang isang insulto laban sa isang lalaki.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin naglalabas ang kampo ng bise presidente ng paglilinaw kung may partikular na tao ba siyang tinutukoy sa kanyang IG post.
Matatandaang kamakailan ay nagbitiw si VP Sara mula sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Ang pagbibitiw ni Sara ay matapos ma-demote si Pampanga 2nd district Rep. at Lakas-CMD Chairperson Emeritus Gloria Macapagal-Arroyo bilang senior deputy speaker.