MANILA, Philippines — Sa pagkalas ni VP Sara Matapos na magbitiw si Vice Pres. Sara Duterte sa Lakas-CMD, ibinalik sa puwesto bilang chairman ng partido si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ito ang nabatid sa facebook post ni 2nd District Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla.
Nitong Biyernes ng gabi ay nagsagawa ng executive committee meeting ang Lakas-CMD at tinalakay ang maraming isyu na kinakaharap ng kanilang partido.
Dito ay ibinalik ang chairmanship kay Sen. Revilla na napunta kay Sara ng sumapi ito sa Lakas-CMD noong Nobyembre 2021 at tumakbong Bise Presidente.
Habang si Speaker Martin Romualdez, na pangulo ng Lakas-CMD ang nagsilbing isa sa mga campaign manager ni Sara.
Sa kabila ng mga pangyayari, nirerespeto ng Lakas ang desisyon ni VP Sara na magbitiw sa partido at pinasalamatan ito sa panahon na ginugol sa kanilang partido na kanilang inilahad sa isang resolusyon.
Ayon naman kay Rep. Revilla, patuloy ang ‘pledge of support’ ng mga mambabatas sa liderato ni Romualdez sa Kamara matapos na umugong ang planong ikudeta ito.
Itinanggi naman ni dating Pangulo at ngayo’y 2nd District Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na nais niyang agawin ang puwesto ni Romualdez.
Nitong Miyerkules ay tinanggal sa puwesto bilang Senior Deputy Speaker si Arroyo na na-demote ng posisyon bilang Deputy Speaker.