MANILA, Philippines (Updated 4:26 p.m.) — Naghain ng "notice of strike" ang daan-daang manggagawa ng Wyeth-Nestle Philippines sa National Conciliation and Mediation Board matapos ireklamo ang diumano'y sorpresang termination at illegal lockout na nangyari nitong Huwebes sa isang pabrika sa Canlubang, Laguna.
Huwebes lang nang idulog ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU-DFA-KMU) ang biglaang pagharang sa mga manggagawa papasok ng trabaho, ito habang may "verbal" at "unwritten advisory" ng tanggalan.
Kasama sa iprinoprotesta ng mga nagtratrabaho sa nasabing nutrition firm ang aniya'y iligal na retrenchment ng 125 rank-and-file workers nito — kabilang ang 10 union officials — 14 supervisors at isang manager. Paglabag daw ito sa kanilang collective bargaining agreement, isang kasunduan sa pagitan ng unyon at ng management sa sahod, tenure at pakikitungo sa manggagawa..
"Nilock-out kami ng management nitong Mayo 18, sila mismo ang nagpatigil ng trabaho. Isasampa namin ang notice of strike para paharapin ang kapitalistang Wyeth-Nestle," sabi ni Debie Faigmani, presidente ng WPPWU.
"Dapat nilang sagutin ang mga manggagawa at ang publiko tungkol sa garapal na hakbang nila na pagsasawalambahala sa trabaho at kapakanan ng lumikha ng kita at yaman nila. Kasabay nito, magtutuloy-tuloy ang iba’t ibang porma ng sama-samang pagkilos."
Sa panayam ng Mayday Multimedia kay Faigmani, kasama sa mga produktong kanilang ginagawa sa pabrika ang mga gatas gaya ng S-26, Bonakid, Bonamil, Promil, at Progress Gold.
Panawagan ngayon ng mga manggagawa at ng unyon ang agarang pagbabalik sa 140 manggagwa, tamang pasahod, regular na trabaho at karapatang mag-unyon nang hindi pinakikialaman.
Suporta ng mga organisasyon
Nagpakita naman ng suporta sa WPPWU ang sari-saring grupo matapos ang insidente kahapon. Kabilang na riyan ang PISTON, Tambisang Sa Sining-Timog Katagalugan, Anakbayan at National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno.
Ang pag-uunyon ay ligal at isang karapatang kinikilala ng Labor Code at ng Saligang Batas ng Pilipinas.
"Malinaw itong atake ng dambuhalang kumpanya ng Nestle-Wyeth Philippines sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino na silang hinuhuthutan ng tubo ng mga kapitalista, lalo ngayong sa panahong kumakaharap pa rin sa matinding krisis at kahirapan ang milyon-milyong Pilipino," wika ng PISTON kanina.
Pinaghahandaan naman na rin daw ng mga manggagawa ang serye ng mga aktibidad upang patambulin ang kanilang laban.
"Ayon sa isang miyembro ng WPPWU, simula Marso palang ay sinusubukan nang makipagdayalogo ng mga manggagawa ng Wyeth hinggil sa nagbabadyang tanggalan, pero hindi sila pinaunlakan," banggit ng Anakbayan sa isang statement.
Kahapon lang nang sabihin ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis na "union busting" a loob ng kumpanya ang ginagawa.
'Walang nangyaring lockout'
Itinanggi naman ng Wyeth Nutrition Canlubang Factory na sinarhan nila ng pintuan kahapon ang mga manggagawa sa gitna ng "organizational restructuring" na nangyayari sa kumpanya — bagay na ginagawa raw para manatiling "viable" ang operasyon nito sa gitna ng mapanghamong merkado.
"The initiative has resulted in structural changes, including redundancies among positions across different functions and levels," pag-amin ng kumpanya sa isang pahayag.
"We recognize the effects of this development on our affected employees and their families. We have exerted all efforts to minimize the impact on our
employees and ensure fairness, while we pursue the sustainability of the factory."
Itinanggi ng pamunuan ng Wyeth Nutrition na nagkaroon ng "illegal lock-out" sa pabrika nila ng gatas sa Laguna nitong Huwebes habang inirereklamo sila ng mahigit 140 manggagawa para sa surprise termination at paglabag sa collective bargaining agreement. @PhilstarNews pic.twitter.com/S9XTC52JNf
— James Relativo (@james_relativo) May 19, 2023
Bago daw inanunsyo ang restructuring, nakapulong na raw sa labas ng pabrika ang mga empleyado sa pangunguna ng mga pinuno ng unyon. Habang nangyayari ito, sinasabing nakipagdayalogo ang management representatives sa union officers at inaya pa raw ang mga kasapiang pumasok ng pabrika.
Matapos ang asembilya, nakipagkita pa raw ang management sa loob ng factory para ianunsyo ang restructuring para pag-usapan ang magiging epekto ng restructuring sa mga manggagawa.
"No lock-out was implemented by Wyeth management. We fully respect our employees’ rights, including the right to freedom of expression and the right to freedom of assembly," pagtanggi ng kumpanya.
"In consideration of our impacted employees’ hard work and contributions, they will be receiving separation packages superior to what the law requires. Support programs for them are in place as they transition to opportunities outside the company."
"In our efforts, we are committed to supporting our people while seeing to the health of the business."