MANILA, Philippines — Nagkaharangan at hindi pinayagang pumasok sa pabrika ang daan-daang empleyado ng isang nutrition firm sa Laguna, Huwebes, sa gitna ng ugong-ugong na tanggalan — ito kahit na "walang prior notice" at paliwanag ng management, ayon sa unyon ng mga manggagawa.
Sa isang pahayag ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU)-DFA-KMU ngayong araw, sinabing pinagbawalan na lang silang silang pumasok sa Wyeth-Nestle Canlubang plant.
Dati na rin daw may "verbal" at "unwritten advisory" ang management patungkol sa retrenchment ng 140 manggagawa ng planta dahil sa cost saving projects, automation at konsolidasyon sa linya ng produksyon.
"Ilang beses na kaming nanghihingi ng pakikipag-usap sa management ng Wyeth-Nestle para linawin ang umuugong na balita ng tanggalan, pero hindi nila kami hinaharap," ani Debie Faigmani, presidente ng WPPWU-DFA-KMU kanina.
"Sa mga nagdaang taon, paulit-ulit na nagsagawa ang kumpanya ng iligal na tanggalan."
Sa pagtataya ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, "malinaw na hakbang" daw ang nangyayaring ito upang wasakin ang unyon sa loob ng kumpanya.
Dagdag pa niya, paulit-ulit na rin daw "binabastos" doon ang karapatang mag-organisa at hindi nirerespeto ang collective bargaining agreement o 'yung negosasyon sa pagitan ng kumpanya at unyon pagdating sa benepisyo, sahod, atbp.
"Sa panahon ng krisis sa kabuhayan kung saan kinakapitan ng manggagawa ang trabaho para buhayin ang pamilya, tanggalan ang hain ng dambuhalang kapitalistang Wyeth-Nestle," dagdag Faigmani.
"Sa kabila ng pag-akyat namin ng kita at yaman, para kaming mga laruang isinasantabi. Pero alam ng manggagawa na malaki ang silbi namin sa kumpanya. Lalaban kami at ipagtatanggol ang aming trabaho."
Kinukunan pa ng Philstar.com ng panig ang Wyeth Nutrition Philippines patungkol sa insidente ngunit hindi pa rin sumasagot hanggang sa ngayon.