Hirit na pagpapatalsik kay Teves ni Mrs. Degamo, dinismis ng House Ethics
MANILA, Philippines — Dinismis ng House Committee on Ethics ang apela ng biyuda ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo na patalsikin sa puwesto bilang miyembro ng Kamara si suspended Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
“It lacks form and content,” pahayag ni House Committee on Ethics Chairman COOP –NATCCO Partylist Rep. Felimon Espares sa liham ni Pamplona Mayor Janice Degamo, biyuda ng pinatay na gobernador.
Si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Degamo at 9 pang katao noong Marso 4.
Inihayag ni Espares na maraming rekisitos sa panuntunan ng komite na dapat na sundin.
Aniya, ipinaliwanag na rin nila kay Mayor Degamo na ‘unsworn’ o hindi sinumpaan ang reklamo nito at bukod dito ay kulang ang nilalaman nito base na rin sa itinatakda ng panel.
Ayon pa kay Espares, napagdesisyunan na ito ng komite at nagbigay na rin sila ng tugon sa biyuda ni Degamo noon pang Abril 4.
Matatandaan na sinuspinde ng Kamara ng 60 araw si Teves base sa rekomendasyon ng panel ni Espares noong nakalipas na Marso 22 dahil sa patuloy na pag-absent sa trabaho nito bilang mambabatas.
Ang travel clearance ni Teves ay mula Pebrero 28 hanggang Marso 9 lamang ang bisa para sa medical stem cell treatment nito sa Estados Unidos.
- Latest