Remulla na-‘fake news’: ‘Di ako uuwi – Teves
MANILA, Philippines — “Fake news” umano ang anunsiyo ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na uuwi na ng bansa si suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kahapon, Mayo 17.
Ito’y matapos itanggi ng mambabatas ang pahayag ni Remulla na pag-uwi niya nitong Miyerkules.
“Dapat tinanong muna nila ako bago sila nagsalita, di ba?,” pahayag ni Teves sa mensahe nito sa tanong ng ilang reporters sa Kamara.
Sa pahayag ni Remulla kamakalawa, mayroon umano siyang reliable source na nagsasabing uuwi na si Teves sa bansa. Ito’y makaraang tanggihan ng Timor-Leste ang kahilingan ng solon para sa political asylum doon.
“You want a more reliable source? Sino bang reliable source, ‘yung source nila or ako?” sabi ni Teves.
Tumanggi naman si Teves na magkomento sa kanyang asylum application sa Timor-Leste.
“Tanungin na lang ninyo si Boying. Alam niya siguro ‘yun. Mas marami siyang alam sa akin,” dagdag pa ni Teves.
Iginiit naman ni Remulla na ‘reliable’ ang kaniyang source na may access sa ‘flight data’. Sinabi rin sa kaniya na mayroon ng ticket pabalik ng Maynila si Teves mula sa Timor-Leste.
Inakusahan din ni Remulla si Teves na patuloy na tinataguan ang mga kaso laban sa kaniya makaraang hindi matuloy ang sinasabing pag-uwi niya ng Pilipinas kahapon.
“Ibig sabihin, tinataguan niya ‘yung charges. Flight is an indication of guilt,” ayon sa kalihim.
“We will not release it if we do not have any reasonable ground to believe that something is going to happen, something may happen, and that’s part of it. We have our sources to tell us what the facts are,” giit pa ni Remulla.
Sa kabila nito, hindi naman nagbabago umano ang sitwasyon ni Teves na kailangang bumalik pa rin ng Pilipinas para harapin ang kasong inihain na sa kaniya kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI). - Danilo Garcia
- Latest