MANILA, Philippines — Umabot sa 39 mandaragat ang patuloy na nawawala matapos mag-"capsize" sa central Indian Ocean ang isang Chinese fishing vessel — lima sa kanila ay mga Pilipino, ayon sa ulat ng Agence France-Presse ngayong Miyerkules.
Bumaliktad ang Lu Peng Yuan Yu 028 bandang 3 a.m. noong Martes (oras sa Beijing). Isang multinational search and rescue operation ang ikinakasa ngayong para hanapin ang mga marino.
Kasama sa mga nawawala ang sumusunod:
- Tsino: 17
- Indones: 17
- Pilipino: 5
Iniutos naman na ni Chinese President Xi Jinping ang paghahanap sa mga nabanggit, ngunit wala pa naman daw natatagpuan sa ngayon.
"It is necessary to further strengthen the safety management of fishing vessels at sea and implement preventive measures to ensure the safety of maritime transportation," sabi ni Premier Li Qiang habang nananawagan sa mga kinauukulang patindihin ang oversight sa sektor ng pangingisda.
Pinagmamay-arian ng Penglai Jinglu Fishery Co. ang bumaliktad na sasakyang pandagat. Isa ito sa pinakamalaking fishing companies ng gobyerno ng Tsina.
Sa datos ng North Pacific Fishing Commission, otorisado ang vessel na mangisda para sa neon flying squid at Pacific saury. Sinasabing umalis ang barko ng Cape Town noong ika-5 ng Mayo patungong Busan.
Huling namataan ang vessel noong ika-10 ng Mayo sa timogsilangan ng Reunion, isang maliit na French island sa Indian Ocean.
Wala pa namang pahayag ang Penglai Jinglu Fishery Co. sa ngayon patungkol sa insidente. — James Relativo at may mga ulat mula sa Agence France-Presse