Teves uuwi ngayon ng Pinas - Remulla
MANILA, Philippines — Nakatakda umanong bumalik na ng Pilipinas si suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ngayong Miyerkules, Mayo 17.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang impormasyon ay galing umano sa isang mapagkakatiwalaang source na may alam sa mga ‘flight operations’.
Ito ay makaraang mabigo si Teves na makakuha ng asylum sa Timor-Leste na nagbigay sa kaniya ng limang araw para umalis ng kanilang bansa. Umapela naman umano si Teves.
“We want him to be able to face the charges properly. And the timing is perfect because the charges will be filed tomorrow... I hope he comes home,” saad ni Remulla.
Nakaalerto na ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagdating ni Teves upang matiyak umano ang kaligtasan niya.
Inaakusahan si Teves na siyang mastermind sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa. Itinanggi naman ito ni Teves.
Nitong nakaraang Abril, sinabi ni Remulla na iaaplay nila na makasama sa terrorist list si Teves dahil sa impormasyong nakarating sa kanila ukol sa antas ng karahasan umano sa Negros Oriental.
Sa kabila nito, hindi pa rin nakapaghahain ng kasong murder ang DOJ laban kay Teves.
- Latest