96 percent ng SIM cards, rehistrado na
MANILA, Philippines — Nasa halos 96% ng mga naipagbiling SIM cards sa bansa ang nairehistro na, sa ilalim ng SIM Card Registration Act.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy, ito ay malapit na sa porsiyento ng mga SIM cards na inaasahan nilang irerehistro ng mga may-ari nito.
“As of May 10, 95 million na po, magna-96 million,” ayon kay Uy.
“I expect mga 100 million more or less, so mga 95% to 96% na tayo,” aniya, nang matanong hinggil sa bilang ng mga registrants na hinihintay ng DICT para magrehistro.
Una nang sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) na hindi nila inaasahang 100% na mairerehistro ang higit 168 milyong SIM cards na naipagbili sa bansa.
Base sa karanasan ng ibang bansa na nagpapatupad na rin ng SIM registration, sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paolo Salvahan na nasa 70% lamang ang average percentage ng registered subscribers.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, sinimulan ang registration noong Disyembre 27, 2022.
Magtatapos sana ito matapos ang 180 araw o hanggang Abril 26, 2023, ngunit pinalawig pa ang deadline ng 90 araw o hanggang Hulyo 25, 2023.
Binalaan naman ng DICT at NTC ang mga SIM card owners na made-deactivate ang kanilang SIM cards kung mabibigo silang irehistro ang mga ito.
- Latest