Panukalang bagong buwis haharangin sa Senado

MANILA, Philippines — Nabuhayan ng loob ang mga consumer protection groups na huwag bitawan ang laban sa balakin ng mga ahensya ng gobyerno na magpataw ng mga panibagong buwis na lalong mag­papalugmok sa mga ordi­naryong Pinoy sa kahirapan.

Sinabi ni RJ Javellana, Jr., pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na malaking bagay sa kanila ang suportang natatanggap sa kanilang ipinaglalaban, lalo na sa mga mamba­batas sa pangunguna ni Senador Chiz Escudero.

Isa isang panayam, tiniyak ni Escudero na kanyang haharangin ang lahat ng mga bagong panukalang batas dahil aniya, hindi ngayon ang panahon para dito. Kasama na sa kinu­kwestyon ng senador ang balak na magpataw ng 1% creditable withholding tax sa mga online sellers at providers na gumagamit nag iba’t ibang e-commerce platforms katulad ng Lazada, Shopee, Food Panda­, GCash at Maya.

Dinagdag pa ni Escudero na siya mismo ang mananawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na harangin ang planong mga bagong buwis alinsunod na rin sa kanyang binitawang pangako noong nakaraang­ presidential campaign na hindi niya itutulak ang pagpasa ng mga bagong buwis dahil na rin sa kalagayan ng bansa matapos itong sumadsad dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19.

“If new tax proposals are being assembled, I would ask the President to please press the ‘pause’ button,” giit ni Escudero.

Ikinagalak naman ng UFCC ang naging pahayag ni Escudero.

“Sa ngalan ng aming­ grupo at ng mga milyong consumers, kami ay nagpapasalamat kay Senator­ Escudero sa kanyang bini­tawang salita na haharangin nya ang anumang panu­kalang buwis na lalong mag­papahirap sa ating mga kababayan,” sabi ni Javellana.

Show comments