5 mangingisda nasagip mula sa nasunog, lumubog na barko sa Palawan

"Ayon sa crew, bandang 4AM nang may marinig na pagsabog sa auxiliary engine ng fiberglass fishing vessel, na sinundan ng sunog," sabi ng pahayag ng PCG ngayong Martes.
Video grab mula sa Facebook page ng Philippine Coast Guard

MANILA, Philippines — Nasaklolohan ng Philippine Coast Guard, kapulisan atbp. ang limang mangingisda matapos masunog at tuluyang lumubog ang sinasakyan nilang FV VICTOR 89 sa katubigang sakop ng Cuyo, Palawan nitong Lunes.

"Ayon sa crew, bandang 4AM nang may marinig na pagsabog sa auxiliary engine ng fiberglass fishing vessel, na sinundan ng sunog," sabi ng pahayag ng PCG ngayong Martes.

"Nagtulung-tulong ang Coast Guard Station Eastern Palawan, Cuyo Municipal Police Station, at mga mangingisda ng Frabelle Fishing Corp. para iligtas ang limang mangingisda."

 

Naglayag ang mga mangingisda mula sa Navotas Fish Port noong ika-2 ng Marso para mangisda sa Sulu Sea. Sinasabing naka-angkla sila noon sa Imalaguan Island.

Dalawa sa mga nasagip ang nagtamo ng first degree burns sa kaliwang braso at likod. Agad naman silang dinala sa Cuyo District Hospital para malapatan ng tulong medikal.

Bandang 9:40 a.m. na nang tuluyang lumubog ang FV VICTOR 89 matapos ang insidente.

"Agad na naglatag ng oil spill boom ang Marine Evironmental Protection Force ng Philippine Coast Guard (PCG) para ma-kontrol ang posibleng banta ng oil spill sa naturang katubigan," sabi pa ng Coast Guard kanina. — James Relativo

Show comments