MANILA, Philippines — Bigla umanong nanahimik ang mga testigong suspek laban kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. dahilan para muling maantala ang paghahain ng kasong murder sa kongresista.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang muling ‘delay’ sa pangako nilang pagsasampa ng kaso kahapon ng Lunes ay dahil sa pagtanggi nang makipagkooperasyon ng mga nadakip na witness-suspects.
Nang madakip ang mga suspek may 12-14 araw makaraan ang pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa, nakapagbigay sila ng pahayag sa mga prosecutor at sa mga imbestigador ng National Bureau of Investigation (NBI). Tinutulungan sila noon ng mga abogado ng Public Attorney’s Office.
Ngunit biglang nagkaroon na ng mga pribadong abogado ang mga witness-suspects at inabisuhan na manahimik at huwag nang magbigay ng pahayag.
Dahil dito, napilitan ang mga imbestigador na balikan ang kanilang mga naunang pahayag at pag-aralan ang mga rekord ukol sa case building.
“So, we were able to build the case. We were able to get the facts within our knowledge and that went very well. We were able to charge them,” pagtitiyak ni Remulla.
“Some of them have refused to speak already and issued another statement. We suspect they will be changing statements later on, and make recantations of sorts,” ayon pa sa kalihim.
Nananatiling tiwala naman si Remulla sa kaso nila laban kay Teves dahil sa mga naunang pahayag. Sinabi pa niya na maaaring masampahan na ng kaso ngayong linggo si Teves na kabibilangan ng 10 bilang ng murder, ilang bilang ng frustrated murder at attempted murder.