MANILA, Philippines — Isinusulong ng Kamara na ipagbawal na sa mga ahensiya ng gobyerno ang pagtatakda ng ‘dress code’ sa mga indibidwal para lamang makakuha ng kanilang serbisyo.
Iginiit ni Cotabato Rep. Alana Samantha Taliño Santos sa inihain niyang House Bill (HB) 7884 o ang “Open Door Policy Act’ ang kahalagahan na maging bukas ang gobyerno sa lahat ng mga mamamayang Pilipino na nangangailangan ng serbisyo ng alinmang ahensiya ng pamahalaan.
“With the enactment of this bill, we can finally break down the barriers that these dress restrictions create. Citizens will be free to attend meetings and access frontline services without worrying about their clothing, and no one will be turned away due to a dress code violation. This is an essential step towards creating a more equitable, fair, and inclusive society,” sabi ng lady solon.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang pagpapatupad ng dress code kung hindi naman ito kailangan sa kinukuha nitong serbisyo.
Ang lahat ng ahensya ng gobyerno, kasama ang mga legislative body ay pagbabawalan na magpatupad ng mahigpit na dress code sa mga pinapadalo nito sa mga pagpupulong bilang guest, observer, participant, kliyente o consultant.
Ang mga empleyado o opisyal na hindi susunod ay mahaharap sa administrative o disciplinary sanction.