Teritoryo ng Pinas sa West Philippine Sea, minarkahan ng PCG
MANILA, Philippines — Naglatag ng mga ‘floating buoys’ ang Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea para markahan ang teritoryo ng Pilipinas.
May 10 buoys na ang inilatag ng PCG at plano pang magdagdag ngayong taon ng anim pa.
“Hindi lang it would serve as navigational safety for both ships but it serves also as a sovereign markers. Kung makikita natin meron tayong Philippine flag na nakalagay dyan at pinapalakas natin ang ating presensya,” ayon kay PCG Vice Admiral Joseph Coyme.
Isa sa lugar na minarkahan ng buoy ay ang Julian Felipe Reef, na isa sa teritoryo na inaangkin ng bansa. Ito ay sa kabila ng presensya ng ilang sasakyang-pandagat ng China na namataan malapit sa reef.
Matapos ang paglalatag ng mga buoy, wala pa naman umano sa mga ito ang inaalis. Kung mangyayari ito, handa ang Pilipinas na maghain kaagad ng ‘maritime protest’.
“Definitely, sure na tayo dyan because the buoy that we have laid down bears the flag of the Philippines,” giit ni Coyme.
Sa kabila nito, nilinaw ni Coyme na wala pa sa ‘heightened alert’ ang sitwasyon sa WPS bagama’t may mga naiispatan pa rin na Chinese militia vessels sa karagatan.
Sa kabila ng kanilang presensya ngayon sa WPS, hindi rin naman umano sila gumagawa ng aksyon para tumaas ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa nananatiling ‘diplomatic’ ang kanilang mga aksyon.
- Latest