‘Pambansang Pabahay’ ni Marcos, umani ng suporta sa urban poor
MANILA, Philippines — Umani ng suporta mula sa urban poor ang ‘Pambansang Pabahay’ para sa Pilipino Housing (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay makaraang makipagpulong ang Urban Poor Action Committee (UPAC) sa mga key officials ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na pinangunahan ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar para talakayin ang usapin sa pabahay at ilang mga rekomendasyon para sa 4PH.
Sinabi ni Madeline Suarez ng UPAC na siya ay umaasa na ang kanilang “People’s Plan” ay maikonsedera sa ilalim ng ‘Pambansang Pabahay’.
“Maganda itong (urban poor group’s shelter initiatives) ituring na bahagi ng pagsasakatuparan ng 4PH na ipinatutupad ng pamahalaan. Gusto naming bigyang diin na kami ay sumusuporta sa 4PH, at bilang pagsuporta ay gusto namin na maging bahagi ng proseso na magaganap,” pahayag ni Suarez.
Naiprisinta naman ni Suarez ang kasalukuyang housing projects sa pagitan ng mga miyembro ng UPAC at residente ng mga concerned communities.
Ang naturang mga proyekto ay ang 96,600-square meter Parola, Manila project na may 25,000 pamilya ; 49-hectare Baseco Port Area project sa Maynila na may 24,000 beneficiary families; 10-hectares Camarin DHSUD property sa Caloocan City para sa 6,000 pamilya at ang 17 ektaryang National Government Center project sa Quezon City para sa 30,000 pamilya.
- Latest