MANILA, Philippines — Muling nagpaalala ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga kustomer nito na magtipid sa paggamit ng kuryente.
Ito’y matapos nilang ianunsyo kahapon ang halos 18 centavos per kilowatthour na dagdag sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo.
Ayon sa Meralco, kasama sa mga pwedeng gawin ng mga komokunsumo ng kuryente ang pagtanggal sa saksakan ng appliances kapag hindi ginagamit, paggamit ng LED bulb sa mga pailaw, maramihang pamamalantsa ng mga damit sa halip na paisa-isa at regular na paglinis ng air conditioner filters.
Kasunod nito, pinayuhan din ang kanilang mga kustomer na gumamit ng Meralco mobile app appliance calculator para makontrol ang gamit nila ng kuryente at malaman ang laki ng kanilang konsumo sa appliances at gadgets.
Nabatid na tumaas ang presyo ng kuryente ngayong Mayo dahil sa pagmahal ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM) at sa iba pang supplier.
Bukod dito, tumataas din ang generation charge at nagkaroon ng mataas na demand.