MANILA, Philippines — Positibong tinitignan ng ilang human rights groups at personalidad ang pagkaabswelto ni dating Sen. Leila de Lima sa ikalawa niyang kaso matapos makulong ng anim na taon — bagay na sana'y mangyari rin daw sa mga bilanggong pulitikal.
Ngayong Biyernes lang kasi nang ibasura ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 ang ikalawang kaso ng opposition leader matapos akusahang tumanggap ng P10 milyong drug money para sa kanyang 2016 senatorial campaign.
Related Stories
"As we welcome Sen. Leila’s acquittal and call for her release, we likewise call for the release of all political prisoners like her who have been persecuted because of their work and beliefs on human rights and social justice," wika ng grupong Karapatan sa isang pahayag kanina.
"We call on the Muntinlupa City RTC Branch 256 to grant her bail petition to enable her release. For six years, Sen. Leila has been detained and pilloried by the Duterte administration, but she remained firm and steadfast in speaking out against [former President Rodrigo] Duterte’s crimes."
Kilalang kritiko ng human rights record at madugong war on drugs ni Duterte si De Lima bago pa makulong noong 2017. Dalawa na sa tatlong drug-related charges niya ang inabswelto.
Maraming nakakulong ngayon na ligal na aktibista at rebolusyonaryo sa loob ng kulungan habang ipinipiit dahil sa kanilang pulitikal na paninindigan o paglaban.
Ang marami sa kanila, tumatanda na lang sa selda hanggang sa maging senior citizen at magkasakit. Ang ilan sa kanila, namamatay na lang sa karsel.
Ganito rin naman ang panawagan ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura sa hiwalay na pahayag. Aniya, pinatataas daw nito ang pag-asa ng mga magsasaka na mapalalaya rin ang iba pang bilanggong pulitikal.
"Patunay siya [De Lima] na kayang magtagumpay ng katwiran laban sa panunupil ng pasismo," ani UMA acting chairperson Ariel "Ka Ayik" Casilao.
"Palakasin pa natin ang pangangalampag sa rehimeng Marcos para tuluyan nang palayain si Sen. De Lima at iba pang bilanggong pulitikal... Gaya ng iba pa nating panawagan, makakamit natin ito sa sama-samang pagkilos at paglaban."
Kilalang political prisoner ang kapatid ni Ka Ayik na si Eric Jun Casilao, na siyang inaresto sa Malaysia kamakailan at dineport sa Pilipinas. Inaakusahan si Eric Jun bilang "top ranking" leader ng rebeldeng New People's Army-Southern Mindanao Regional Commitee.
Isa rin sa mga kilalang political prisoner ngayon ang Tacloban-based journalist at human rights activist na si Frenchiemae Cupio na Pebrero 2020 pa nakakulong. Idinidiin siya sa "illegal possession of firearms and explosives," na sa tingin ng kanyang mga abogado ay itinanim lang ng mga otoridad.
Pagpupunyagi ng 'rule of law'
Ayon naman sa Department of Justice, pagpapatunay lang daw ang paborableng desisyon ng korte kay De Lima na gumagana ang demokrasya sa bansa.
"The rule of law has prevailed and it just points out to us that the independence of the judiciary is a basic foundation of our democratic system. So it’s good, it’s good for us," ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kanina.
Ikinatuwa rin ni dating Sen. Francis "Kiko" Pangilinan ang desisyon ng korte kaninang umaga, na bagama't napatagal daw ay welcome development naman.
Aniya, matagal na nilang alam na gawa-gawa lang ang reklamo sa kapwa mambabatas noon, pati na ang mga ebidensyang inihain laban kay Leila.
"Mula unang araw pa lang ng kanyang pagkulong ang posisyon natin ay gawa gawa lamang ang mga paratang at walang katiting na tunay na ebidensya laban Leila," banggit ni Pangilinan.
"Ang ebidensya lahat fabricated. We have from Day 1 called for the dismissal of the charges but as the saying goes ‘better late than never’. The fight for justice, for the truth continues. Free Leila!"
Even as it has come more than six years after her imprisonment on fabricated and baseless accusations, we nevertheless welcome the Court’s verdict.
— Kiko Pangilinan (@kikopangilinan) May 12, 2023
Mula unang araw pa lang ng kanyang pagkulong ang posisyon natin ay gawa gawa lamang ang mga paratang at walang katiting na tunay… pic.twitter.com/FRSFMxgDfY
Ibinasura ang kaso laban kay De Lima matapos mapalutang ang "reasonable doubt," lalo na't binawi ng mga dating tumestigo ang kanilang mga pahayag noon laban sa dating senadora. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag